PNP Chief Albayalde at mga pulis na nasangkot sa 2014 “Agaw Bato” incident sa Pampanga, iimbitahan sa pagdinig sa Senado sa October 1

by Erika Endraca | September 27, 2019 (Friday) | 3985

MANILA, Philippines – Sesentro sa 2014 “Agaw Bato” incident sa Pampanga ang susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Martes, October 1.

Base sa bagong impormasyon na nakuha ng mga Senador 230-Kilo at hindi 130 -Kilos ang ilegal na droga ang nakumpisa sa nabing insidente at 37 Kilos lang ang dineklara ng mga pulis na sangkot dito. Ibinenta umano nila ito mismo sa mga drug lord sa New Bilibid Prison.

Natanggal na sa serbisyo ang ilang pulis na nasangkot pero karamihan sa mga ito ay napawalang sala noong 2017 at nakabalik sa serbisyo.

Kaya lahat ng mga pulis na nasangkot sa nasabing insidente pinahaharap sa senado kasama si PNP Chief Oscar Albayalde.

“Dun ako nabibigatan inimbestiga yan tapos pinrenohan. Alam nyo naman yung Pampanga incident diba tignan nyo lang yun kung san napunta yung mga tao doon.” ani Sen Richard Gordon.

Ayon kay Senator Panfilo Lacson dapat ituloy ang kaso sa mga naabwesltong pulis at tuluyang matanggal sa serbisyo.

“This was dismissed at the level of the secretary of justice at that time pwede pa ito ireview ni Sec Guevarra ipapreliminary investigate na uli o reinvestigate para malaman kung sino ang mga dapat filan ng kaso.”ani Sen Panfilo Lacson.

Pinauubaya naman ng mga Senador kay Albayalde ang pagdedeisyon kung dapat ba syang mag leave sa trabaho sa gitna ng kontrobersiya. 14 pangalan ng mga Police Officer ang nasa listahang hawak ni Senator Gordon na syang ibinigay nila sa Pangulo.

Samantala, naniniwala si Senator Gordon na failure sa hanay ng PNP ang pagkakatakas ng umano’y Drug Queen na si Guia Gomez-Castro.

Malaking tanong sa Senador kung bakit hindi agad kinasuhan gayung matagal nang alam ng PNP ang mga ilegal na gawain nito at bakit hindi rin agad itinimbre sa immigration para hindi na nakalabas pa ng bansa. Susubukan umano ng mga Senador na gamitin ang extradition treaty para mapabalik ng bansa ang Drug Queen.

(Grace Casin | UNTV News)

Tags: