PNP, bubuo ng Board of Inquiry upang imbestigahan ang ‘Misencounter’ sa pagitan ng QCPD DSOU at PDEA agents

by Erika Endraca | February 25, 2021 (Thursday) | 58770

METRO MANILA – Inatasan na ni PNP Chief PGen. Debold Sinas ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pangunahan ang imbestigaston sa mis encounter sa pagitan ng Quezon City Police District (QCPD) – District Special Operations Unit (DSOU) at PDEA Agents sa parking lot ng isang fastfood chain sa Ever Gotesco Commonwealth Quezon City, 5:45 ng hapon kahapon.

Sa inilabas na statement ng PNP, inatasan din ni Gen. Sinas si NCRPO Director PMGen. Vicente Danao Jr, na syang opisyal na magsalita at magbigay ng mga update sa insidente.

Ayon kay Gen. Danao, bubuo sila ng task force at hihintayin muna ang resulta ng isasagawang imbestigasyon bago magbigay ng kongkretong pahayag ukol sa nangyaring misencounter.

“ Iimbestigahan muna natin both sides para makita kung pano nangyari ito, so yung may mga tama ng bala lalo na yung mga badly injured will be brought to the hospital for medication” ani NCRPO Director, PMGen. Vicente Danao Jr.

Base sa initial na imbestigasyon ng pulisya, nagsagawa ng buybust operation ang qcpd dsou sa lugar ngunit pdea agent ang kanilang nakatransaksyon.

Nauna umanong nagpaputok ng baril ang PDEA agent kayat gumanti ng putok ang mga pulis. Dalawa ang namatay sa panig ng PNP at 1 ang malubhang nasugatan. Nasugatan din ang 2 PDEA agent at 1 sibilyan.

Nakuha sa pinangyarihn ng krimen ang matataas na kalibre ng baril, mga badges at identification cards.

Kaugnay nito, agad na naglabas ng kopya ng coordination form ang QCPD na pirmado naman ng PDEA NCR kaugnay ng isinagawang operasyon.

Nakiusap naman ang tagapagsalita ng PDEA na hayaan muna silang kumalap ng mga impormasyon kaugnay sa insidente at sinabing isang lehitimong operasyon ang isinagawa ng PDEA Special Enforcement Service.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , , ,