PNP at BFP, muling nagpaalala upang maiwasan na mabiktima ng sunog at krimen ngayong long holiday

by Radyo La Verdad | March 26, 2018 (Monday) | 9058

Excited na ang mga bakasyunista para sa long holiday ngayong linggo.

Pero paalala ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP), hindi lamang ang mga dadalhing gadgets at baon ang dapat ihanda kundi maging ang mga maiiwan upang hindi mabiktima ng mga masasamang loob.

Payo ng PNP, siguraduhing naka-lock ang mga pintuan at bintana ng bahay. Mag-iwan ng isang bukas na ilaw upang maging deterrent o pampigil sa mga kriminal

Maaari ring magbilin sa mga kapitbahay na matingnan paminsan-minsan ang bahay habang wala ang may-ari

Ayon sa PNP, mas mabuti rin na may naka-install na CCTV at burglar alarm system sa bahay at iwasang magpost ng mga activities sa social media upang huwag makapagbigay ng ideya sa mga masasamang loob.

Paalala naman ng PNP, tiyaking walang mga electronic appliances na maiiwang naka-plug na posibleng pagsimulan ng sunog.

Para naman sa mga magbabyahe, nagpaalala ang PNP na huwag magdala ng mga ipinagbabawal upang hindi magkaroon ng aberya sa mga paliparan, pantalan at bus station.

Kabilang na dito ang mga matatalim na bagay, baril, bala, flammable items at iligal na droga.

Tiniyak naman ng PNP na mahigpit na magbabantay para sa seguridad ng mga pasahero at bakasyunista ngayong long holiday

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,