PNP at DILG, itinanggi ang profiling sa Community Pantry Organizers

by Radyo La Verdad | April 21, 2021 (Wednesday) | 8555
Photo Courtesy: AP NON

METRO MANILA – Itinanggi ng Philippine National Police na nagsasagawa sila ng profiling sa mga organizer ng community pantry.

“Naku walang ganon, wala akong alam…wala akong ibinabang directive to look into this”ani PNP Directorate for Operations PMGen. Alfred Corpus.

Sa inilabas na pahayag ni PNP Chief PGen Debold Sinas, wala sa kanilang interes na saliksikin ang mga personal na aktibidad at gawain ng mga pribadong indibidwal.

Batid din anila na ang mga ganitong hakbang ay nagpapakita lamang ng pagkakaisa ng mamamayan na tumulong sa kapwa at wala silang intensyong panghimasukan ang mga ito.

Tanging ang pagpapatupad ng public order at safety at health protocols lamang ang dapat na bantayan ng mga pulis sa lugar lalo na kung lalampas na sa sampu ang sabay sabay na magpupunta sa lugar.

Maging ang Eastern Police District, sinabing wala ding ibinabang utos ang pamunuan ng National Capital Region Police Office kaugay nito.

Sa katunayan mayroon ding silang sariling community pantry na tinatawag na “pamamarisan “ na hango sa mga sakop nilang lugar ba Pasig, Marikina, Mandaluyong, Rizal at San Juan pantry.

“Maganda naman yung community pantry na tinatawag, so nakisakay na rin tayo in a sense kasi maganda naman ang layunin, inuna natin dito sa headquarters ng eastern police district.. In the midst of the pandemic, no less the the president is reaching out, magtulungan tayo” ani Eastern Police District Director, PBGen. Matthew Baccay.

Iginiit rin ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na hindi niya ipinag-utos sa PNP ang pangangalap ng impormasyon sa mga community pantry.

Itinanggi din ng pamunuan ng Directorate for Police Community Relations na ipinag-utos nila na papirmahin ang mga ito sa JIPCO form.

“Wala akong directive, i dont know kung sinong may directive” ani DPCR Director, PMGen. Rhodel Sermonia.

Ang JIPCO o Joint Industrial Peace Program ay plinanong proyekto ng pnp at Philipine Economic Zone Authority (PEZA) sa pangunguna ng dpcr ngunit pinalitan ito ng pangalan na Ecozone Industrial Peace Program (EIPP).

Ibig sabihin maglalagay ang PNP ng mga police assistance desk sa PEZA areas para sa mga empleyado at investors.

Layon nito na agad makatugon sa reklamo at mga sumbong at sa pagpapanatili na rin ng industrial peace and order sa lugar. Ngunit ang mga community pantry ay hindi sakop ng PEZA.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , , ,