PNP at AFP, pagtutulungan ang muling pagpapatupad ng ECQ sa NCR simula August 6

by Erika Endraca | August 3, 2021 (Tuesday) | 50236

METRO MANILA – Mas mahigpit na inspection sa mga checkpoint at quarantine controlled points ang ipatutupad ng PNP at AFP simula sa August 6.

Ayon kay Joint Task Force Corona Virus Shield Commander Lt. Gen. Ephraim Dickson, Authorized Person Outside of Residence (APOR) lang ang papayagan.

Hindi makalulusot ang mga menor de edad kahit na kabilang sa APOR ang kasamang magulang.

Bawal din ang mga senior citizen maliban kung pupunta sila sa vaccination center.

Samantala, magbabantay din ang mga pulis sa mga matataong lugar.

“Magde deploy din po tayo ng mga personnel dedicated para mag check o magpatrolya sa mga areas ng point of convergence, lalong lalo na sa mga palengke”ani JTF CV Shield Commander, Lt. Gen. Israel Ephraim Dickson.

Ang AFP, sinabing nakahandang tumulong sa PNP sa pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila.

Handa din aniya silang magbigay ng libreng sakay kung kinakailangan.

“Ang ating AFP Joint Task Force National Capital Region is currently coordinating to the NCRPO for the deployment sa mga quarantine-controlled points within Metro Manila and nearby provinces”ani AFP Spokesperson, Col. Ramon Zagala.

Panawagan ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar sa publiko, magbaon ng pasensya sa pagdaan sa mga checkpoint.

Pinayuhan naman ng heneral ang mga non APOR na manatili sa bahay lalo na kung hindi bakunado at ipagpaliban ang biyahe kung hindi naman ito importante.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , ,