PNP at AFP, nakaalerto sa CPP anniversary ngayong araw

by Jeck Deocampo | December 26, 2018 (Wednesday) | 22442
Courtesy: PNP Facebook Page

METRO MANILA, Philippines – Naka-alerto na ang mga pulis at sundalo kaugnay ng anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) ngayong araw.

Karaniwan na ang paglulunsad ng pag-atake ng New People’s Army (NPA) tuwing anibersaryo ng CPP.

Sa ipinalabas na pahayag ng komunistang grupo, iginiit ng mga ito na hindi mapipigilan ng mga sundalo at pulis ang kanilang pagdiriwang. Magsasagawa sila ng mga rally at pagtitipon ng mga pulang mandirigma, mga aktibista sa mga pabrika at paaralan.

Kaya naman ang PNP ay naka-full alert na sa mga lalawigan at sa National Capital Region upang hindi malusutan ng NPA.

Ang full alert status ay ang pagpapakalat ng malaking pwersa ng mga tauhan sa vital installations para magbantay.

Payo ni PNP Chief Oscar Albayalde sa mga tauhan, huwag magpatumpik-tumpik at maging alerto lalo na ang mga police stations na ginagawang soft target ng NPA.

“Yung ating mga kapulisan they should be always alert and vigilant. They should maintain their alertness at target hardening measures and of course ‘yung kanilang camp defense,” ani PNP Chief Albayalde.

Ayon naman kay AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo, sapat ang kanilang tauhan sa ground para pigilan ang anumang masamang pagtatangka ng rebeldeng grupo lalo na sa mga kanayunan.

Panawagan naman ng AFP sa mga rebelde, samantalahin ang alok na amnestiya ng gobyerno at sumuko na upang makabalik na sa kani- kanilang pamilya.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , , ,