Hindi babawiin ng Philippine National Police ang naunang pahayag kaugnay ng presensya ng Maute group dito sa Metro Manila.
Sinabi ni PNP-Public Information Office Chief Senior Supt. Dionardo Carlos na patuloy na ang berepikasyon nila sa impormasyong ito kasunod ng pagkaka-aresto sa umano’y miyembro nitong si Nasip Ibrahim noong Lunes ng gabi.
Ngunit paglilinaw ng AFP, wala pa silang sapat na impormasyon upang kumpirmahin ang presensya ng Maute group sa Metro Manila.
Ganunpaman, hindi naman inaalis ng AFP ang posibilidad na nakarating na sa lungsod ang ilang miyembro nito.
Iginagalang naman ng PNP ang pahayag ng AFP gayunman, igigiit pa rin nila na ang pagkakahuli kay Ibrahim ay base sa kanilang monitoring at masusing imbestigasyon.
Si Ibrahim ay naaresto sa kanyang bahay sa Barangay Culiat sa Quezon City habang hinahanap ng mga otoridad ang kanilang prime target na si Jamil Tawili na umano’y miyembro rin ng Maute group.
Tags: AFP, Maute Group, Metro Manila, PNP