Karaniwan nang sinasamantala ng drug pushers ang mga lugar na karaniwang pinupuntahan ng mga turista upang magbenta ng ipinagbabawal na gamot.
Partikular na dito ang mga tourist spot tulad ng beach resorts at ibang pasyalan.
Bunsod nito, pinag-iingat Philippine National Police Anti Illegal Drugs Group ang mga magbabakasyonngayong long holiday.
Nagpaalala rin si Police Chief Inspector Roque Merdegia Jr. Sa publiko na iwasang tumanggap ng mga padala o bagahe mula sa mga hindi kakilala sa mga airport, seaport at terminal ng bus dahil ito ang karaniwang estilo ng mga sindikato ng droga.
Huwag rin aniya basta tatanggap ng mga pagkain at inumin na karaniwang hinahaluan ng mga illegal drugs tulad ng marijuana at liquid ecstacy.
Kung nasa mga parties at disco places naman, payo pa ni Merdegia, ubusin muna ang inumin o pagkain na nasa mesa bago magtungo sa cr upang hindi masalisihan nang mga masasamang loob na lagyan nang droga ang naiwang pagkain at inumin.
Dagdag nito, kapag nahaluan nang ecstacy ang pagkain at inumin, maaari itong maging sanhi ng pagkahilo at kawalan ng malay upang maisagawa ang kanilang masamang balak.
Gayunman, ipinag utos na ni AIDG Director P/SSupt. Manolo Ozaeta, ang pagpapaigting ng Oplan Sumvac kung saan magpapakalat sila ng mga tauhan sa mga tourist destination na posibleng puntahan din ng mga sindikato ng illegal drug.
(Lea Ylagan/UNTV NEWS)
Tags: Philippine National Police Anti Illegal Drugs Group, Police Chief Inspector Roque Merdegia Jr