PNP-ACG, nagbabala sa publiko laban sa fake crypto investment                                                            

by Radyo La Verdad | December 1, 2022 (Thursday) | 702

Ngayon nalalapit na ang holiday season, marami sa ating mga kababayan partikular sa mga empleyado ang makatatanggap ng kanilang mga bonus o di kaya ay 13th month pay. Ang ilan ginagamit pambakasyon, pambayad sa pinagkakautangan habang mayroon ring mga iniipon o ‘di kaya ay pinatutubuan sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng investments.

Pero babala ng PNP Anti-Cybercrime Group, mag-ingat na huwag mabiktima ng mga scammer na nag-aalok ng investments gaya ng crypto currency.

Ayon kay Police Lt. Michelle Sabino, Spokesperson ng PNP-ACG, nakakatanggap na rin sila ng  mga reklamo na iba’t ibang sistema  upang makapanghikayat  ng mga  investor ng  “fake” crypto investments.

“Ang ginagawang modus nitong mga scammers is they invite investors mag-invest ng money sa kanila what they do is they ask the investors to download a specific crypto app pag na-download na nila itong crypto app manghihinga na ito ngayon ng investment money which is in the form na mata-transfer ‘yun money through digital wallets, banks,” ani Police Lt. Michelle Sabino, Spokesperson, PNP-ACG.

Ayon kay Sabino sa sandaling makita ng investor ang kanilang investments at kinita, mas naeengganyo ang mga investor na dagdagan pa ang kanilang  investment.

Gumagamit din umano ng mga pekeng business permit ang mga scammer.

Mahigpit na paalala ng PNP-ACG, huwag basta maniniwala sa mga investment schemes lalo’t kung ang pangako nito ang mabilisang paglaki ng iyong puhunan.

Kaya nai-scam ang mga tao is because they wanted easy money. Mga kababayan wala pong easy money lahat po ng makakamtan natin pera ay dapat po pinahihirapan pagka masyadong maganda yung offer o easy money mag-isip isip po tayo because it’s probably not true,” dagdag ni Sabino.

Kung nakaranas ng anomang uri ng online scam agad i-report sa PNP-ACG hotlines sa numerong 0966-627-1257, 0915-589-8506  o ‘di kaya ay magtungo sa kanilang tanggapan sa Camp Crame sa Quezon City.

Janice Ingente | UNTV News

Tags: , ,