Planong palawigin ang campaign period, hindi na itutuloy ng Comelec

by Radyo La Verdad | August 18, 2015 (Tuesday) | 1408

COMELEC
Mananatiling 90 araw ang campaign period para sa mga national candidate habang 45 days naman sa mga local candidate.

Ito ang naging pasya ng Comelec matapos hindi ituloy ang planong pagpapalawig sa campaign period batay na rin sa naging opinyon ng law department ng komisyon.

Batay sa panukala ng Comelec gagawing 120 days ang campain period o isasabay sa pagsisimula ng election period sa January 10, 2016.

Para sa poll body kung aagahan at hahabaan ang panahon ng pangangampanya mas maaga ring mamomonitor at mabibilang ang ginastos ng mga kandidato sa pangangampanya.
Ayon sa Comelec kailangang amyendahan ang batas para ito maipatupad.

Para sa 2016 elections, sa February 8 magsisimula ang campaign period ng national candidates at partylist habang sa March 25 naman ang mga kandidato sa lokal na posisyon.

Samantala, naglabas na rin ng petsa ang Comelec kung kailan isasagawa ang review sa source code ng mga makinang gagamitin sa 2016 elections.

Dalawang beses magsasagawa ng source code review ang Comelec na bubuksan para sa interesadong sektor kabilang ang mga political parties.

Bago ang October 15, 2015 isasagawa ang review sa base code o ang orihinal na program ng makina.

Ikucustomize naman ang base code upang lumapat sa pangangailangan sa halalan sa Pilipinas at pagkatapos ay isasailalim uli sa isa pang review ang final o customized source code.

Bukod sa source code review dadaan din sa pagsusuri ng isang international certification entity ang source code na ipapasok sa lahat ng gagamiting makina.

Ang source code ang program na nagdidikta kung paano gagana ang voting machine.

Ayon sa Comelec dahil mas maaga, mas may panahon ang iba’t ibang sektor para ma review ang source code kumpara noong 2013 elections na isinagawa ilang linggo lang bago ang halalan. (Victor Cosare/ UNTV News)

Tags: