Planong pagsasaayos ng flight sa NAIA, hindi pa maipatutupad sa Agosto

by Radyo La Verdad | June 29, 2018 (Friday) | 8142

Nagpadala na ng sulat kay House Speaker Pantaleon Alvarez ang Manila International Airport Authority (MIAA) upang humingi ng palugit sa gagawing pagsasaayos ng biyahe ng mga eroplano sa apat na terminal ng Ninoy Aquino International Airport.

Dati nang ipinag-utos ni Congressman Alvarez ang paglipat ng ilang airline company na Clark International Airport upang maibsan na aniya ang pagsisiksikan sa NAIA terminals.

Binigyan ng deadline ang MIAA hanggang sa Agosto upang maiayos ang biyahe ng mga eroplano sa NAIA. Subalit aminado si MIAA General Manager Eddie Monreal na hindi nila ito kakayaning magawa dahil kinakailangang unahin muna ang rehabilitasyon ng terminal two.

Sa kasalukuyan, magkakahalo ang domestic at international flight sa ilang terminal. Base sa orihinal na disenyo, nakatalaga ang terminal one at three para sa international flights, habang domestic flights naman sa terminal two at four.

Samantala, sisimulan nang i-install ng MIAA ang siyam na bagong passenger boarding bridge na binili mula sa China.

Ang passenger boarding bridge ang siyang nagsisilbing tulay na ikinakabit sa pintuan ng eroplano upang makatawid sa terminal ang mga bumababang pasahero. Mula sa dating mainit at tumutulo, ngayon ay gawa na sa salamin, airconditioned at mayroong mga CCTV ang bagong passenger boarding bridge.

Ayon kay MIAA General Manager Eddie Monreal, taong 1970 pa nang huling bumili ang ahensya ng mga passenger boarding bridges kaya’t napapanahon na aniya upang palitan ang mga ito.

Bukod sa siyam na bagong na-ideliver, labing isang unit pa ang inaasahang darating sa susunod na taon.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,