Isinasapinal na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at Department of Public Works and Highways ang planong pagpapatayo ng evacuation center kada rehiyon sa bansa.
Sa programang Get It Straight, sinabi ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad na nasa proseso na sila ng pagtukoy ng mga lugar na maaaring pagtuyan nito.
Maglalagay ng clinic o isolation room sa bawat evacuation center kung saan maihihiwalay ang mga may sakit upang hindi makahawa sa ibang mga evacuee.
Ipinahayag din ni Undersecretary Jalad na bilang tugon ng NDRRMC sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang red tape, papabilisin nila ang pagpoproseso ng calamity funds.
Pinaiigting naman ng NDRRMC ang information campaign nito upang makapaghanda ang mamamayan sa mga sakuna.
Sa website ng Office of Civil Defense, mapapanuod ang video ng Disaster Information for Nationwide Awareness o Project DINA na naglalaman ng mga paghahanda at dapat gawin sakaling may bagyo, lindol, baha, sunog, at iba pang sakuna.
Muli ring pina-alalahanan ni Usec.Jalad ang mga telecommunications company sa batas na nag-aatas sa kanila na magpadala ng disaster alerts sa kanilang mga subscriber.
(Yoshiko Sata / UNTV Correspondent)
Tags: isinasapinal na ng NDRRMC, Planong pagpapatayo ng mga evacuation center