Planong paglalagay ng SRP sa mga sari-sari store, anti-poor – consumer group

by Radyo La Verdad | March 8, 2018 (Thursday) | 5159

Humina ang benta ng tindahan ni Aling Conching mula nang maitayo ang convenience store malapit sa kaniyang pwesto. Kung ikukumpara, totoo na medyo mura ang paninda sa convenience store kumpara sa kanyang tindahan.

Pero ang katwiran ni Aling Conching, kailangan niyang kumita kahit papaano. Pero mas pinanganhambahan ni Aling Conching kung matutuloy ang plano ng Department of Trade and Industry sa paglalagay ng suggested retail price o SRP sa mga maliit na tindahan dahil wala na siyang tutubuin.

Ayon kay Laban Konsyumer Group President Vic Dimagiba, anti-poor ang plano na ito ng DTI dahil maliliit na negosyante lamang ang mga may-ari ng sari-sari store, kung kayat maliit lang ang kapital at maliit ang market area.

Pero ayon sa DTI, plano pa lamang ito at pag-uusapan pa kung itutuloy. Sisiguraduhin din ng DTI na hindi maapektuhan ang maliliit na negosyante sakaling itutuloy ang programa.

Ang suggested retail price ay ipinapatupad ng DTI upang magkaroon ng giya ang mga tao sa pamimili. Nagsisilbi rin itong proteksyon ng mga consumers laban sa mga mapagsamantalang negosyante.

Naniniwala ang Laban Konsyumer Group na mayroong mas dapat pagtuunan ng pansin ang DTI kaysa sa pagpapatupad ng SRP sa maliliit na tindahan. Ayon sa grupo, dapat isulong ang SRP sa bigas na mas malaki ang maitutulong sa mas nakararaming mga tao.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,