Hindi dapat na magpadalos-dalos ang administrasyon sa pagkansela sa Visiting Forces Agreement.
Ayon kay Senator Leila de Lima dapat pag-isipang mabuti ang pagkansela sa kasunduan lalo kung wala namang malinaw na alternatibo para dito.
Giit ng senadora hindi dapat masakripisyo ang kapakanan ng sambayanang Pilipino maging ang soberenya ng bansa kagaya ng pagkakasakripisyo sa buhay ng ilang tao araw araw dahil sa war on drugs.
Matatandaang sa kaniyang pagbabalik bansa galing sa pagbisita sa Cambodia at Singapore sinabi ng pangulo na pinag-iisipan nitong isantabi na ang VFA matapos kanselahin ng Millenium Challenge Corporation, isa independent U.S. foreign aid agency ang ayuda para sa pilipinas dahil sa isyu umano ng human rights violation.
Binigyang diin ng pangulo na walang dahilan para manatili pa sa bansa ang mga sundalong amerikano lalo’t hindi naman handa ang pilipinas na makipaglaban sa China o Russia.
Ikinagalit ng pangulo ang tila pagtrato ng Amerika sa Pilipinas na patay gutom.
Nanindigan din ang pangulo na hindi kailangan ng bansa ang aid galing Amerika lalo’t may ibang bansa namang handang tumulong sa Pilipinas.
Pero ayon sa presidente maari niyang irekonsidera ang kaniyang posisyon depende sa magiging hakbang ng papasok na Trump Administration sa Estados Unidos.
Pero ayon sa pangulo kung siya ang tatanungin wala na siyang balak na pumanig pa sa Amerika.
Balak naman ng pangulo na magpadala ng mga sundalo at pulis na magsasanay sa China.
(Victor Cosare / UNTV Correspondent)