Planong masusing inspeksyon sa mga balikbayan box, dapat gawin ng maingat- DOJ

by Radyo La Verdad | August 24, 2015 (Monday) | 1569

BALIKBAYAN BOX
May kapangyarihan sa ilalim ng batas ang Bureau of Customs na mag inspeksyon ng mga kargamento na ipinapasok sa mga pantalan sa bansa.

Kasama na rito ang mga balikbayan box lalo na nga kung naglalaman ito ng mga kontrabando o ipinagbabawal na produkto.

Sa memorandum order ng Bureau of Customs noong September 1990, may regular at mabilisang inspeksyon sa mga balikbayan box upang alamin kung tumutugma ang laman ng kahon sa deklarasyon ng nagpadala nito.

Kapag may discrepancy sa dokumento o kaya’y may impomasyon na naglalaman ito ng kontrabando, may kapangyarihan ang customs na buksan ito upang mainspeksyon nang buo.

Karaniwan nang maluwag ang inspeksyon sa mga balikbayan box.

Ayon sa Customs, ito ang sinasamantala ng mga smuggler na nagpupuslit ng mga kontrabando kaya nais nila itong higpitan.

Ngunit ayon sa Department ofJjustice, dapat maipaunawa ng customs ang dahilan sa pagbabago ng kanilang panuntunan.

Lalo’t nasanay na ang mga ofw na dating minimal inspection sa ipinapadala nilang kargamento.

Ayon pa kay Sec. Leila de Lima, may iba namang paraan upang masuri ang mga balikbayan box nang hindi ito binubuksan, gaya ng paggamit ng x-ray machine.

Maari naman aniyang maghanap ng ibang paraan ang ahensiya upang magawa ang kanilang mandato nang hindi nangangamba ang mga ofw na makararating nang maayos ang kanilang padala.

Ayon pa sa kalihim, walang duda na may kapangyarihan ang Bureau of Customs na mag inspeksyon ng mga balikbayan box, kailangan lamang gawin ito sa paraang katanggap-tanggap sa mga ofw at sa kanilang pamilya. (Roderic Mendoza / UNTV News)

Tags: ,