Planong Maharlika Sovereign Fund, ipinirisinta ni PBBM sa World Economic Forum

by Radyo La Verdad | January 19, 2023 (Thursday) | 663

METRO MANILA – Hindi pa man isang ganap na batas, ipinirisinta na ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior sa World Economic Forum (WEF) sa Davos Switzerland, ang panukalang Maharlika Investment Fund (MIF).

Ayon sa pangulo, isa ang Sovereign Fund sa makatutulong sa paglikha ng trabaho at magpapalakas sa public service sa bansa. Nasa proseso na aniya ng pagpapasa ang Kongreso sa panukala.

Bukod dito, inilahad din ng pangulo sa World Economic Forum ang mga naging hakbang ng pamahalaang Pilipinas upang matugunan ang pagbilis ng inflation rate o pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin, krisis sa enerhiya at kakulangan ng suplay ng pagkain.

Dagdag pa ni PBBM, upang mas maging maayos ang agricultural value chain system ng Pilipinas,  isusulong ng kaniyang administrasyon ang iba’t ibang modernization at innovation programs, pagbuo ng mga teknolohiya sa pagsasaka at pangingisda, at adoption ng disaster-resilient technologies.

Inilahad din niya ang mga aksyon ng pamahalaan upang maayudahan ang mga industriya sa kanilang kinakaharap na mga hamon.

Kabilang na ang pag amiyenda sa foreign investment act na isa aniya sa lalong nagpadali sa mga foreign investor na magnegosyo sa Pilipinas.

At ang Corporate Recovery and Iax incentives for Enterprises Act (CREATE) law na nagpababa sa corporate income tax ng mga maliliit na negosyo.

Kinikilala rin ng pangulo ang halaga ng digitalization sa pag-usad ng ekonomiya mula sa naging epekto ng pandemya.

Tags: ,