Plano para sa rehabilitasyon ng Manila Bay, binabalangkas na

by Radyo La Verdad | December 13, 2018 (Thursday) | 17779

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung ang pag-uusapan ay ang paglilinis sa Manila Bay.

Ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu, inatasan nito ang Manila Bay Coordinating Council para bumalangkas ng plano sa rehabilitasyon ng baybayin.

Aminado ang kalihim na hindi ito madaling maisakatuparan dahil na rin sa dami ng mga establisyimentong nakatayo sa palibot nito mula sa Metro Manila at mga karatig lalawigan gaya ng Bulacan at Cavite.

Ayon sa opisyal, nasa 300 libong pamilya na nakatira malapit sa Manila Bay ang dapat mai-relocate.

Sa Barangay Tangos sa Navotas, isa ang bahay ni Mang Joan sa nabigyan na ng notice para lumipat sa relocation site. Hinahampas ng alon ang bahay nito lalo na kung may sama ng panahon. Kapansin-pansin ang mga nagkalat na basura sa baybayin subalit ipinapadpad lamang aniya ito sa kanila.

Tila hindi naman alintana ng mga naliligo sa dagat ang panganib sa kalusugan na maaaring maidulot sa kanila ng maruming tubig.

Ayon sa DENR, dapat ay nasa 100 lamang ang coliform level ng tubig dito sa Manila Bay para mapaliguan ng mga tao.

Subalit noong 2016 batay sa pag-aaral, umabot ito sa mahigit 155m. Ito’y lubhang mapanganib ayon sa DENR sa kalusugan ng mga maliligo dito.

Umaasa ang DENR na sa pagtatapos ng 2019 ay may malaking pagbabago na sa kalidad ng tubig sa Manila Bay. Bukod sa kagawaran, may 15 pang ahensya ng gobyerno na magtutulong-tulong para maisagawa ang rehabilitasyon.

Ayon kay Cimatu, ipapasara nito ang mga istrukturang mapapatunayang lumabag sa mga batas kalikasan gaya ng pagtatapon ng hindi malinis na waste water na direkta sa dagat.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,