METRO MANILA – Inaasahan na ng pamunuan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na lalo pang pagdagsa ang mga pasahero sa kanilang terminal pagdating ng long weekend.
Upang mapaghandaan ito, nakipagugnayan na sila sa sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang tiyakin ang seguridad ng mga byahero at tiyaking may sapat na mga bus silang masasakyan.
Ayon sa Spokesperson ng PITX na si Jason Salvador, nakipagpulong na sila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang tiyaking makakapag-issue ito ng special permit kung sakaling kulangin ang bilang ng mga bus na bibyahe pagdating ng long weekend.
Dagdag pa ni Salvador, magtatalaga din ang LTFRB ng mga tauhan nito sa terminal sa panahon ng long weekend upang agad na makapag-issue ng special permit sa mga pampublikong transportasyon.
Upang matiyak naman ang seguridad ng publiko, nakipagugnayan din ang PITX sa Land Transportation Office (LTO) upang magbantay sa kapasidad ng mga bus at matiyak na nasa tamang kondisyon ang mga driver nito.
Magsasagawa din aniya ang LTO ng random inspection upang masigurong walang impluwensya ng ilegal na droga ang mga driver.
Payo ng pamunuan ng PITX sa mga byahero na uuwi sa mga probinsya na ikonsidera na rin ang pagtaas ng presyo ng pasahe sa mga rutang dati na nilang sinasakyan, ito’y dahil pa rin sa epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa mga pampublikong transportasyon.
Dagdag na paalala ng PITX, maaari nang bumili ng ticket ng mas maaga ang mga biyahero upang hindi sila makipagsiksikan sa inaasahang dagsa ng pasahero sa terminal bago ang long weekend.
At dahil 100% sitting capacity na ang pinapayagan sa mga bus, inaabisuhan ang publiko na sumunod pa rin sa protocol lalo na ang pagsusuot ng face mask upang makaiwas sa hawaan ng COVID-19.
(JP Nuñez | UNTV News)
Tags: bus, long holiday, PITX