Pitong pulis na umano’y sangkot sa robbery-extortion sa ilang Korean national sa Angeles, Pampanga, sasampahan ng kasong kriminal

by Radyo La Verdad | January 27, 2017 (Friday) | 1512


Bumuo na ang Philippine National Police ng task group na tututok sa kaso ng pitong pulis na sangkot sa robbery-extortion case sa tatlong Korean national sa Angeles City, Pampanga noong December 30, 2016.

Ayon sa Angeles City Police, nagpulong na ang task group para sa mga ipatutupad na hakbang hinggil sa kaso kabilang na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga suspek.

Sa susunod na linggo rin ay inaasahang babalik sa bansa ang isa sa tatlong Koreanong biktima para magsampa ng kaso sa mga suspek.

Ang CIDG ang naatasang magbigay ng seguridad sa biktima pati na sa mga akusado.

Samantala, kanina naman ay nag-ikot sa ilang subdivision ang Angeles City Police upang alamin kung totoo ang natanggap nilang impormasyon na nag-aalisan na ang mga nakatira ditong mga dayuhan dahil sa mga napaulat na robbery, kidnap at extortion cases na banyaga ang puntirya.

Pinabulaanan naman ng management ng subdivisions ang ulat.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa Korean community dito sa siyudad upang maibalik ang tiwala ng mga ito sa ahensya.

(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,