Tuloy-tuloy pa rin ang kampanya ng Department of Labor and Employment kaugnay ng pagpapatigil sa ‘ENDO’ at contractualization sa bansa.
Ito ay bahagi ng programa ng Duterte Administration upang matulungan na magkaroon ng regular na hanap buhay ang mga manggagawang Pilipino.
Kaugnay nito nag- isyu na noong nakaraang linggo ang DOLE ng cease and desist order sa pitong manpower agency sa Luzon dahil sa kabiguan ng mga itong itigil ang illegal contractualization scheme gaya ng ENDO.
Lima sa mga kumpanyang ito ay mula sa Region IV- A, isa sa National Capital Region at isa sa Central Luzon.
Inatasan na rin ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga malalaking kumpanya na tumugon sa labor regulations kung hindi ay mahaharap sa immediate closure o pagpapasara.
Samantala, nasa sampung libo limang daan at tatlumput dalawa nang contractual employee ang naging regular na sa kanilang mga trabaho matapos ang isinagawang konsultasyon at assessement ng labor department sa buong bansa.
Isa ito sa itinuturing ng DOLE na pangunahing accomplishment sa kagawaran sa unang isandaang araw na panunungkulan ni Pangulong Duterte.
(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)
Tags: DOLE, inisyuhan ng cease and desist order, Pitong manpower agency sa Luzon