Pitong drug suspects, kabilang ang isang menor de edad, arestado sa Maynila

by Radyo La Verdad | April 20, 2018 (Friday) | 4821

Matapos ang halos isang taong pagmamanman, naaresto sa buy bust operation ng Manila Police District sa Laong Nasa Street, Tondo, Maynila kahapon ang pitong tulak ng droga sa lugar.

Kinilala ang mga naaresto na sina Virgilio at Carlo Magno, Jayson at Rosanna Odayat, Danilo Manansala at Jelly Ann Nedroda.

Kabilang din sa mga nahuli ang isang kinse anyos na babae na siyang nagdedeliver umano ng droga sa kanilang mga parokyano.

Tatlumpung sachet ng hinihinalang shabu, isang kalibre kwarenta’y singkong baril, mga bala at ilang drug paraphernalia ang nakuha ng mga otoridad sa mga suspek.

Aminado ang mga ito na gumagamit at nagbebenta sila ng ipinagbabawal na gamot.

Nasa drugs watchlist din ng Manila police ang mga naarestong indibidwal. Inaalam pa ng mga pulis kung konektado sa isang sindikato ang mga ito.

Samantala, sinalakay ng mga tauhan ng QCPD Station 6 ang isang hinihinalang drug at sex den sa Lupang Pangako, Payatas, Quezon City kagabi.

Arestado ang tatlong indibidwal, kabilang ang isang menor de edad.

Target ng operasyon ang isang Biboy Montajos alyas “Willy Boy” na kilalang tulak ng droga sa lugar.

Bukod kay Willy Boy, naaktuhan din ng mga pulis sa lugar ang isang alyas Sandra at isang disisyete anyos na lalaki na gagamit sana ng shabu.

Sampung sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha ng mga otoridad sa lugar, pero itinatanggi naman ni Montajos na nagbebenta siya ng iligal na droga.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

Tags: , ,