METRO MANILA – Magtatapos na ang deadline para sa franchise consolidation ng mga tradisyunal na jeep at UV express na bahagi ng Public Utility Vehicle (PUV) modernization program.
Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, hindi na babaguhin pa ang December 31 deadline upang mas maging efficient at sustainable ang sektor ng transportasyon.
Hinikayat ng kalihim ang lahat ng mga driver at operators na magpunta na sa LTFRB at mag-apply upang makapasok sa transport cooperatives.
Ayon sa DOTr tatanggapin ang lahat ng aplikasyon ng franchise consolidation hanggang sa December 30 ng alas-5 ng hapon.
Kaya naman muling magsasagawa ng nationwide na transport strike ang grupong Piston bago matapos ang taon.
Ayon sa national president ng grupo na si Mody Floranda wala pa itong tiyak na petsa.
Subalit opisyal nila itong iaanunsyo sa mga susunod na Linggo o sa pagpasok ng holiday season.
Nasa 100,000 na myembro ng Piston sa buong bansa ang inaasahan nilang makiiisa dito.
Bukod sa kanilang mga myembro maaari din aniyang sumama dito ang mga driver at operator na kasama sa grupong Manibela na pinangungunahan ni Mar Valbuena
Bagaman sinabi na ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na wala namang phaseout ng tradition na jeep pagdating ng January sa susunod na taon.
Naniniwala ang grupong Piston na phaseout pa rin ang patutunguhan ng ginagawang consolidation ng pamahalaan.
Noong December 7, nagsumite ng petisyon ang Makabayan Bloc kasama ang Piston upang hilingin sa Kongreso ang pagbasura sa Omnibus Franchising Guidlines o ang balangkas na pinagbabatayan ng Public Utility Vehicle modernization program.
Naniniwala ang Piston na dapat isulong ngayon ng pamahalaan ang pagsuporta sa mga local manufacturer para makagawa ng mga jeep na modernized pero itsurang tradisyunal pa rin kaysa mag-import ng mga minibus na madaling masira.
Nauna nang sinabi ng LTFRB na sa ngayon ay nasa halos 70% na ng lahat ng mga operator ng tradisyunal na jeep ang nakapag-consolidate na sa buong bansa.