Pisong dagdag-pasahe sa jeep, hindi inaprubahan ng LTFRB ; ilang mga tsuper, dismayado

by Radyo La Verdad | March 21, 2022 (Monday) | 20414

METRO MANILA – Mananatiling P9 ang minimum fare sa mga public utility jeepney sa Metro Manila at ilang karatig na rehiyon.

Ito ay matapos hindi aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pisong provisional fare increase na hiniling ng mga transport group na 1-Utak, Pasang Masda, Altodap at Acto.

Batay sa inilabas na resolusyon ng ahensya, ang pagtutol sa P1 fare hike ay para sa interes at kaginhawaan ng publiko.

Paliwanag ng LTFRB, isinaalang-alang nito ang posisyon ng National Economic Development Authority (NEDA) na nagsasabing maaaring magdulot ng mas mataas na inflation ang fare increase.

Magbibigay-daan din ito sa hearing para naman sa 2 pang petisyon ng mga transport group na gawing P14 o di kaya ay P15 ang minimum fare sa jeep.
Pansamantala, patuloy na aayudahan ang mga tsuper na apektado ng sunod-sunod na bigtime oil price hike sa pamamagitan ng ipinamamahaging fuel subsidy.

Bukod dito, inaasahan na rin ang pagsisimula ng service contracting kapag inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo ngayong linggo.

Sa kabila nito, dismayado ang ilang tsuper sa hindi pagbibigay sa kanila ng pisong dagdag pasahe.

Ilang drayber naman ang nagsabing hindi nila natatanggap ang mga ayudang dapat sila ang nakikinabang.

Sa Martes, March 22, nakatakda ang susunod na hearing sa LTFRB para sa mga nakabinbing fare hike petitions ng mga transport group.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: , ,