METRO MANILA = Hindi mapipigilan ang idaraos na pisikal ng kilos-protesta ng mga militanteng grupo kasabay ng ika-5 State Of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw (July 27).
Desido ang iba’t-ibang grupo na ituloy ang rally sa kabila ng inilabas na memorandum order ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagbabawal sa anomang mass gatherings at nagbantang huhulihin ang sinomang lalabag dito.
“Sa gitna po ng pandemya ang mga mass gathering po talaga ay ating ipinagbabawal and the advisory issued by the DILG is simply cascading that directive of IATF to all Local Government Units” ani DILG, Spokesperson Usec. Jonathan Malaya.
Ayon sa human rights lawyer na si Attorney Chel Diokno, labag sa konstitusyon na pagbawalan ang malayang pamamahayag, kaya’t hindi sila mapipigilan ng kautusan ng IATF.
Tiniyak ng mga militanteng grupo hindi nila lalabagin ang health and safety protocols na itinatakda ng Department Of Health (DOH).
Kaya’t magiging maayos anila ang kilos protesta kahit pa may banta ng COVID-19.
Nagbabala rin sa mga pulis ang mga magpo-protesta na hindi sila pwedeng basta arestuhin kung nakasusunod naman sila sa health and saftey protocols.
Giit ng National Union of People’s Lawyer (NUPL), hindi pwedeng gamitin ng law enforcers ang IATF resolution upang sila’y hulihin dahil sa rally.
“No IATF guidelines will shield them from any criminal and administrative liabilities kapag they inteferred with SONA protest on Monday because they will definitely be held criminally civilly and administratively liable at yung IATF guidelines na yan ay hindi sufficient justification for them to shielded from those liabilities”. NUPL Atty.Rey Cortez.
Naniniwala rin ang grupo na ito ang tamang panahon upang lumabas ng bahay ang sambayanan Pilipino upang ipahayag ang kanilang saloobin sa anila’y maling pamamalakad ng gobyerno.
Sa halip na sa Commonwealth Avenue, idaraos ang sonagkaisa rally sa University Avenue sa UP Diliman na maguumpisa ng alas-10 ng umaga.
(Joan Nano | UNTV News)
Tags: SONA 2020