Pinsalang iniwan ng Bagyong Rosita sa Isabela, umabot na sa mahigit P2B

by Radyo La Verdad | November 2, 2018 (Friday) | 9779

Ang lalawigan ng Isabela ang isa sa matinding binayo ng Bagyong Rosita sa pananalasa nito sa bansa.

Sa lakas nito, nakapagtala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng mahigit sa dalawang bilyong pisong pinsala sa agrikultura at imprastraktura.

Sa assesment ng ahensya, aabot sa higit isang bilyong piso ang sinira ng bagyo sa sektor ng agrikultura at higit isang bilyong piso rin sa imprastraktura.

Kabilang sa mga nasira ang ilang ektarya ng mga palayan, mais, saging, gulay at iba pang mga pananim. Nawasak rin ang ilang mga eskwelahan, gusali, mga business establisment, gasoline station kasama na ang Stiffu Bridge sa Roxas, Isabela.

Sira din ang tulay na nag-uugnay sa Isabela at probinsya ng Cagayan. Dahil ito sa pagragasa ng tubig sa ilog sa kasagsagan ng Bagyong Rosita noong Martes.

Subalit nilinaw naman ng PDRRMC na walang silang naitalang casualty dahil sa Bagyong Rosita.

Pinabulaanan nito ang balita na isang 40 anyos na lalaki ang nasawi matapos na tangayin ng flash flood sa bayan ng Roxas.

Sa pag-iimbestiga ng SOCO, sinasabing pitong araw ng patay ang lalaki at imposibleng dahil ito sa bagyo dahil noong Martes lamang ng madaling araw tumama ang bagyo sa nasabing lugar.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang kanya-kanyang pagsasaayos ng mga residente sa nasira nilang mga ari-arian, habang patuloy pa ring sinisikap ng Isabela Electric Cooperative na maibalik ang suplay ng kuryente sa buong lalawigan.

 

( Gerry Galicia / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,