Pinsala sa crater ng Bulkang Mayon, mahigpit na binabantayan ng PHIVOLCS

by Radyo La Verdad | February 23, 2018 (Friday) | 6813

Tila nasemento ng mga natuyong lava ang crater ng Mayon dahil sa tuloy-tuloy na lava fountaining noong Enero. Subalit dahil naman sa patuloy na lava flow, isang bahagi ng crater ang napinsala nito lamang buwan ng Pebrero.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, mahigpit nilang binabantayan ang napinsalang crater dahil nakaharap ito sa Southeast o sa Legazpi City.

Ibig sabihin, lahat ng aagos na lava ay papunta sa direksyon ng lungsod. Subalit sinigurado ng PHIVOLCS na hindi aabot ng Legazpi City ang lava. Nasa 10 kilometers ang Legazpi City at hanggang 4.5 kilometers lamang ang pinakamalayong narating ng lava flow.

Dahil sa attrition o pinsala sa crater, mas nakatitiyak ang PHIVOLCS kung saan aagos ang lava. Pero kung buo pa ang bibig ng Mayon, walang ideya ang PHIVOLCS kung saan aagos ang lava kapag nagkaroon ng malakas na pagsabog.

Sa ngayon, nananatiling nakataas ang alert level 4 sa Bulkang Mayon, subalit kung ikukumpara noong nakaraang buwan mas mahina at kakaunti na lamang ang naitatalang aktibidad ng bulkan.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,