Pinsala ni Bagyong Ompong sa Cagayan, umabot na sa mahigit P4B

by Radyo La Verdad | September 18, 2018 (Tuesday) | 3518

Mahigit dalawampu’t anim na libong mga indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Ompong sa lalawigan ng Cagayan.

Sa pagtaya ng provincial government ng Cagayan, umabot na sa mahigit apat na bilyong piso ang pinsalang iniwan ng bagyo. 4.6 bilyong piso ang pinsala sa agrikultura habang ang inisyal na halaga ng pinsala sa imprastraktura ay umabot na sa 46 milyong piso.

Karamihan sa napinsala ay mga taniman ng mais at palay, habang mga bahay na gawa sa light materials ang nasira ng malakas na hangin.

Dahil dito ay nagdeklara na ng state of calamity ang buong probinsya upang mapadali ang pagpapalabas ng pondo na kinakailangan para sa relief at rehabilitation.

Bukod sa kinakaharap na rehabilitasyon sa mga napinsalang istruktura, ilang problema pa ang iniwan ng Bagyong Ompong.

Sa Tuguegarao City, mahaba ang pila sa bilihan ng gasolina at missionary flights pa lamang ang operasyon sa airport. Wala pa ring supply ng kuryente sa buong lungsod subalit mayroon namang maayos na supply ng tubig.

Marami ng nagbukas na mga establiyemento at bukas na rin ang malalaking shopping malls sa lungsod.

Nakabantay naman ang pamahalaan sa sinomang magsasamantala na magtaas ng presyo habang pinaiiral ang price freeze kasabay ng deklarasyon ng state of calamity.

Mahigit isang buwan naman ang aabutin bago maibalik ang kuryente sa mga lubhang napinsalang bayan, habang isang linggo naman bago maibalik sa ilang bayan.

Samantala, apat na ang naitalang patay sa buong probinsya ng Cagayan.

Ayon sa provincial government ng Cagayan, dalawa ang naitalang patay sa bayan ng Iguig at dalawa rin sa Baggao.

 

( Mon Jocson / UNTV Corrspondent )

Tags: , ,