Niyanig ng magnitude 6.7 na lindol ang Mindanao Region pasado alas dies ng gabi noong Biyernes.
Naitala ang sentro ng lindol labing anim na kilometro hilagang-kanluran ng Surigao City.
Pinaka-apektado ng pagyanig ang probinsya ng Surigao del Norte.
Ayon kay Surigao del Norte Vice Governor Arturo Egay, aabot na sa limangdaang milyong piso ang halaga ng mga napinsalang ari-arian at imprastraktura sa probinsya dahil sa lindol.
Kabilang na dito ang mahigit isang libong bahay, labindalawang paaralan, at mga tulay at kalsada.
Noong Sabado, nagdeklara na ang lokal na pamahalaan ng state of calamity sa Surigao City upang mas mapabilis ang pagbibigay ng ayuda sa mga biktima ng kalamidad.
Nasira din ang runway sa Surigao City Airport kaya naman walang makalalabas at makapapasok na commercial flights sa syudad hanggang hindi pa ito naisasaayos.
Ngunit ayon sa bise gobernador, sa kabila ng mga nasirang tulay at kalsada, wala namang isolated areas sa probinsya at lahat ng lugar ay maaring marating ng tulong mula sa pamahalaan.
Samantala, sa pinakahuling tala ng lokal na pamahalaan, umakyat na sa walo ang nasawi at dalawangdaan at dalawa naman ang sugatan sa probinsya dahil sa lindol.
Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa mga residente sa probinsya na manatiling kalmado at sikaping maibalik sa normal ang pamumuhay.
(Jenelyn Gaquit / UNTV Correspondent)
Tags: aabot na sa P500M, Pinsala ng magnitude 6.7 na lindol sa Surigao del Norte