Pinsala ng Bagyong Ompong sa agrikultura, umaabot na sa higit sa 26 bilyong piso

by Radyo La Verdad | September 25, 2018 (Tuesday) | 7372

Kinumpirma ni Department of Agriculture Secretary Emmanuel Piñol kahapon na umaabot sa higit dalawampu’t anim na bilyong  piso ang kabuuang halaga ng pinsalang idinulot ng Bagyong Ompong sa agrikultura ng bansa.

Pinakamalaking pinsala ay ang produksyon ng palay kung saan 765,000 metriko tonelada ang nasira na may katumbas na halagang 14.5 bilyong piso.

Naapektuhan din ang produksyon ng mais na tinatayang nagkakahalaga ng 8.1 bilyong piso, bukod pa ang pinsala sa irrigation facilities, machineries at iba pang equipment na nagkakahalaga ng higit kalahating bilyong piso.

Ayon kay Piñol, ito ang pinakamalaking agricultural damage matapos ang Bagyong Yolanda noong 2013 na nagdulot ng tatlumpu’t limang bilyong pisong pinsala sa agrikultura ng bansa.

Sa kabila nito, naniniwala si Secretary Piñol na mananatili ang presyo ng palay lalo pa’t nakatakdang dumating ang 750,000 metric tons na imported rice bago matapos ang taon.

Samantala, may nakahanda naman ng pondo ang kagawaran upang matulungan ang mga naapektuhan ng Bagyong Ompong ngunit hindi ito sapat.

Bunsod nito, nakatakdang magpasa si Piñol ngayong araw kay Pangulong Rodrigo Duterte ng masterplan para sa rehabilitasyon ng mga Ompong affected area.

Nakatakda namang pulungin ni Secretary Piñol sa susunod na buwan ang mga lider ng lokal na pamahalaan upang bumuo ng local food security plan na makakatulong rin sa lumalaking populasyon ng bansa.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,