Sa partial damage assessment ng Agriculture Department ng Tarlac, tinatayang mahigit 500 milyong pisong halaga ng mga pananim na palay ang napinsala ni bagyong Lando sa lalawigan ng Tarlac.
Nasa 33 milyong pisong halaga din ng mga gulay at iba pang mga high value crops ang nasira at aabot sa 300 milyong piso naman ang pinsala sa livestock industry.
Ayon kay Ginang Rowena Tabamo, Regianal Director ng Department of Agriculture sa Tarlac, aabot sa 833 million pesos ang kabuuang pinsala sa agrikultura ng lalawigan.
Samantala, unti-unti nang naibabalik ang suplay ng kuryente sa mga bayan na pansamantalang pinutol ang suplay nito sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Lando.
Nagsisibalikan na rin sa kanilang mga tahanan ang mga kababayan nating lumikas.
Sa initial na ulat ng DSWD ay nasa 367 na tao ang inilikas sa mga evacuation center mula sa 28 barangay, 10,115 naman ang naapektuhan sa pagbaha sa 7 municipalidad.
Nananatili namang isolated ang barangay ang barangay Buenos a bayan ng Capas dahil sa pagkasira ng access road papasok sa lugar.
Ang isang bahagi ng Aquino Bridge naman sa Tarlac City ay pinangangambahang bumigay kapag nasira ng malakas na daloy ng tubig ang pundasyon nito.
(Bryan Lacanlale / UNTV News Correspondent)