Pinay nurse, tumanggap ng British Empire medal dahil sa kontribusyon laban Covid-19

by Erika Endraca | November 9, 2020 (Monday) | 1368

Kabilang ang isang Pinay nurse na tumanggap ng British Empire medal award, dahil sa kaniyang kontribusyon sa paglaban kontra Covid-19.

Ito ay base sa inalabas na Queen’s Birthday Honours for 2020 ni Queen Elizabeth II ng United Kingdom.
Ang presitihiyosong gantimpalang ito ay ibinibigay sa mga indibidwal na may mga natatanging ambag sa lipunan, at ito’y bahagi sa pagdiriwang ng kaarawan ng reyna ng Britanya.

Kinilala ang Pinay nurse na si Minnie Klepacz, dahil sa kaniyang walang sawang suporta at pagtulong hindi lamang sa mga katrabaho sa ospital, kundi pati na rin sa mga Pinoy na naninirahan sa nasabing bansa.

Sa katunayan, nagluluto pa siya ng pagkain para sa mga kasamahan na nagpapagaling dahil sa malubhang karamdaman at nangunguna din sa mga gawain ng pagtulong sa komunidad.

Ayon kay Klepacz, 19 na taon na siyang nagtatrabaho bilang nurse sa uk at halos hindi siya makapaniwala ng makarating sa kaniya ang balita na tatanggap siya ng patimpalak.

Labing-isa (11) na sa mga kaibigan ni Minnie ang namatay dahil sa Covid-19 at nais niyang ibahagi ang gantimpalang ito sa kaniyang mga katrabaho na kasama niyang patuloy sa paglilingkod.

At dahil hindi niya makakapiling ang pamilya sa ngayon upang magdiwang, ipapadala na lang muna niya ang medalya sa Pilipinas.

(Raymund David | La Verdad Correspondent)

Tags: ,