Kasabay ng pagtatapos ng combat operations sa Marawi City, mahigit dalawang daang sundalo at pulis naman ang nagsipagtapos sa kanilang special course training.
Ang Marawi crisis ang naging test mission ng grupo bago nagtapos at maging miyembro ng Special Forces at Scout Rangers.
Ang limang buwang bakbakan sa Marawi ang maituturing na pinakamatagal na test mission sa kasaysayan ng mga pumapasok sa elite force kaya ganun na lamang ang tuwa ng mga nagsipagtapos.
Pero hindi biro ang pinagdaanan ng grupo lalo’t ilan sa kanilang mga kasama ang nagbuwis ng buhay.
Kasabay ng pagtatapos ng training, bibigyan muna ng isang buwang pahinga ang mga bagong nagsipagtapos.
Pero ayon kay Army Chief Lt. Gen. Joselito Bautista hindi lang ang mga sumabak sa test mission ang natuto sa Marawi siege kundi ang buong organisasyon dahil sa kaibahan ng lugar kung saan nangyari ang bakbakan.
Samantala, sa unang pagkakataon mula ng sumiklab ang Marawi crisis, nakapagdaos na ng flag raising ceremony sa Marawi City hall.
Paiimbestigahan naman ng alkalde ng lungsod ang pagkawala ng ilang gamit at dokumento sa city hall na hindi naman napasok ng Maute ISIS group.
( Victor Cosare / UNTV Correspondent )