Pinakamataas na COVID-19 cases sa bansa mula nang magsimula ang pandemya, naitala kahapon

by Radyo La Verdad | January 10, 2022 (Monday) | 4278

METRO MANILA – Nalagpasan na ang record- high na naitala sa Pilipinas na umabot sa 26,303 COVID-19 cases  noong September 11, 2021 sa kasagsagan ng Delta surge.

Noong Sabado, January 8,  pumalo pa sa 26,458 ang naitalang kaso sa bansa.

At kahapon (January 9) naman ang highest single- day spike ng COVID-19 cases na umabot sa 28,707.

Sa kabuoan, mayroon nang mahigit 2.96 million na kaso sa buong bansa.

2.78 million na ang naka- recover at 52,150 naman ang nasawi dahil sa COVID-19.

Napakataas na rin ng positivity rate sa Pilipinas na umabot na sa 44%.

Ibig sabihin halos umabot na sa kalahati ng mga sumailalim sa COVID-19 testing ang postibo sa sakit.

Dahil sobrang bilis ng hawaan, ayon kay Infectious Diseases Expert at miyembro ng Vaccine Expert Panel Dr Rontgene Solante posibleng may community transmission na ng Omicron variant sa bansa.

Ibig sabihin, sadyang malawak na ang pagkalat o hawaan ng Omicron sa Pilipinas at hindi na magkakaugnay ang mga local cases.

Lalo na at mas nakahahawa ang Omicron variant kumpara sa Delta variant.

Sa ngayon, 43 Omicron cases na ang naitala sa bansa.

“Sa situation natin ngayon, with the enormous number of people being positive with just short duration of time and most of them are manifesting with an upper respiratory tract symptoms then I would say there is already community transmission of Omicron variant. that’s why we’re seeing a lot of these positives now— not only in the community. We’re also seeing a lot of this in the healthcare facilities and most of the healthcare facilities now, I would say, 1/3 to 1/2 of the total healthcare manpower are positive with COVID” ani Infectious Disease Expert/ VEP Member Dr Rontgene Solante.

Ang suhestiyon ni Dr Solante, dapat malagay sa mas mataas ng alert level ang mga lugar na mataas ang kaso.

Binigyang diin ni Dr Solante na mahalaga ang isolation at quarantine upang maputol ang hawaan ng COVID-19.

Batay sa ulat ng Octa Research Team, umabot na sa 50.5% ang positivity rate sa NCR nguni’t bumabagal na ito.

Kung patuloy ang pagbagal, ibig sabhin malapit nang umabot sa peak ang COVID-19 cases sa rehiyon.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , ,