METRO MANILA – Hindi nakapaglabas ng ulat kahapon ang Department of Health hinggil sa bilang ng nadagdag na Covid-19 cases sa bansa dahil umano sa dami ng mga datos na kinailangan i-validate.
Kaninang umaga na ngayong araw, Lunes, July 13, 2020, nagbigay ng Covid-19 update ang DOH kung saan 2,124 ang nadagdag na positive cases.
Ang datos ay galing sa 67 licensed laboratories sa bansa as of July 12, kaya naman pumalo na sa 56,259 ang kabuoang Covid-19 cases sa Pilipinas.
Naitala rin ng DOH ang pinakamaraming bilang ng recoveries na umabot sa 2,009. Sa kabuoan 16,046 na ang bilang ng recoveries sa bansa.
Pinakamataas din ang naitalang death cases kahapon na umabot sa 162 kaya umabot na sa 1,534 ang nasawi dahil sa Covid-19 sa Pilipinas.
Ayon sa DOH, mataas ang naitalang bagong Covid-19 confirmed cases, death cases at recoveries kahapon dahil sa ginawang pagkukumpara sa datos na hawak ng mga lokal na pamahalaan.
“Asahan natin na sa mga susunod na araw habang sinasagawa po natin itong “data harmonization” with our LGUs, patuloy na tataas po ang bilang ng mga recoveries na ating itatala,” ani Usec. Maria Rosario Vergeire, Spokesperson, DOH.
Ayon pa kay DOH Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergerie, lingguhan ang kanilang gagawing data reconciliation sa mga lgu upang matiyak na tugma at validated lahat ng iuulat na Covid-19 cases sa Pilipinas.
“Pero gusto rin naming klaruhin na dahil ang updates na ito ay naka-depende sa reports na isinusumite ng LGUs, maari din itong bumaba. So maaaring may mga araw na hindi kasing taas ng nai-report natin today ang number of recovered cases. But rest assured that we will report this as soon as the numbers are validated,” dagdag ni Usec. Maria Rosario Vergeire, Spokesperson, DOH.
Simula naman ngayong araw, July 13, 2020, ay may bagong format na ng pag- uulat ng Covid-19 cases ang DOH kung saan binibigyang diin ang bilang ng active Covid cases sa bansa.
As of July 12, mayroon nang 38,676 na active cases sa Pilipinas at karamihan ay mild at asymptomatic.
Samantala, nilinaw naman ng DOH na hindi nila ipinagbabawal ang home quarantine. Nguni’t kung walang lugar sa loob ng bahay para ma-isolate ang isang miyembro ng pamilya, dapat ay dalhin sa mga isolation facilities ng lokal na pamahalaan ang mga suspect o probale cases ng Covid-19 lalo na ang mga may direct contact sa mga nag- postibo sa sakit.
Ginawa ng DOH ang pahayag matapos lumabas ang ulat na hindi na hindi na hinihikayat ng Inter Agency Task Force ang home quarantine ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles upang upang maiwasan ang hawaan ng sakit sa loob ng bahay.
“Kapag gagawa tayo ng home quarantine kailangan may conditions para tayo. Kailangan may sarili silang kuwarto at may sariling banyo sa bahay. Pangalawa, masisiguro na may adequate monitoring sa kanila. So kailangan napupuntahan araw-araw. Nache-check, natatawagan. Kung ‘di natin maco-comply conditions, ang best pa rin talaga ang temporary treatment and monitoring facility,” ayon kay ni Usec. Maria Rosario Vergeire, Spokesperson, DOH.
(Aiko Miguel | UNTV News)
Tags: Covid-19, Covid-19 Cases, DOH