Positibo ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga city na magkaroon na ng solusyon ang matagal ng problema sa suplay ng kuryente sa lugar.
Ito ay sa pamamagitan ng itatayong solar power plant sa lungsod partikular sa loob ng Zamboanga Economic Zone and Freeport.
Ito ang itinuring na kaunaunahang pinakalaking solar power plant sa bansa at maging sa Southeast Asia na may power generation capacity na aabot sa 100 megawatts.
Inaasahang sisimulan ang kontruksyon nito sa mga susunod na linggo at target na matapos sa buwan ng marso sa susunod na taon.
Filipino-French investors ang magpi-finance ng proyekto sa pangunguna ni Jean Philippe Henry ng EC dito o global incorporated.
Uumpisahan sa thirty megawatts ang production ng power supply at dagdagdagan ito ng paunti unti hanggang maabot ang target na 100 megawatts.
Ayon kay Zamboanga Ecozone and Freeport, Special Events and Communications Head Albi Marquez, plano nilang makapagproduce nang hanggan 300 megawatts na kuryente sa itatayong planta ngunit sasamahan na ito ng wind power plant.
Matatandaang una ng sinabi ng ZamboangaCcity Electric Cooperative o ZAMCELCO na may sapat ng suplay ng kuryente sa siyudad sa taong 2016.
Ngunit depende naman ito sa kanilang magiging supplier kung may sapat bang maibibigay lalot inaasahang mas lalala ang epekto ng El Niño na maging dahilan sa pagbaba ng lebel ng tubig sa mga hydro power plants sa Mindanao.
(Dante Amento / UNTV Correspondent)
Tags: bansa, solar power plant, Zamboanga city