Pinakamalaking jail facility ng BJMP, itatayo sa barangay Payatas, Quezon City

by Radyo La Verdad | September 7, 2018 (Friday) | 3800

Sobra-sobra na ang bilang ng mga bilanggo sa Quezon City Jail kumpara sa kapasidad nito.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa mahigit 1,300% ang congestion rate sa male dormitory habang mahigit 1,500% naman sa female dormitory. Ibig sabihin, higit pa sa sampung beses na mas marami ang mga nakakulong dito.

Bilang solusyon sa pagsisiksikan ng mga bilanggo, isang bagong pasilidad ang itatayo ng BJMP at ng lokal na pamahalaan ng Quezon City.

Pinangunahan nina BJMP Chief Jail Director Deogracias Tapayan at Mayor Herbert Bautista ang groundbreaking ng New Quezon City Jail sa Barangay Payatas.

Naglaan na ang national government ng 1.4 bilyong piso para sa proyekto na bahagi ng Build, Build, Build program.

Nabili naman ng pamahalaang lungsod ng Quezon sa halagang 150 milyong piso ang halos dalawa’t kalahating ektaryang lupain kung saan itatayo ang bagong kulungan.

Ayon kay Tapayan, kayang maglalaman ng hanggang 4,4000 na bilanggo ang bagong city jail at kumpleto ito sa mga pasilidad, may sariling laboratoryo, diagnostics center at botika.

Ayon kay Mayor Herbert Bautista, nakasunod sa international standards ang itatayong city jail.

Mawawala na rin ang sobrang pagsisiksikan dahil maibaba nito sa 71% ang congestion rate sa male dormitory at 53% naman sa female dormitory.

Ayon sa alkalde, tumaas ang bilang ng mga bilanggo sa lungsod dahil sa oplan tokhang at sa paghuli sa mga tambay na lumalabag sa mga ordinansa.

Target matapos ang bagong jail facility sa susunod na dalawa hanggang tatlong taon.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

Tags: , ,