METRO MANILA – Nagkasundo ang Metro Manila Mayors na paikliin na ang ipinatutupad na unified curfew hours kasabay ng implementasyon ng bagong alert level system sa rehiyon.
Simula bukas (September 16), 10:00 pm to 4:00 am na lamang ang ipatutupad na curfew sa National Capital Region (NCR).
Tiniyak naman ng mga otoridad na hindi makakaapekto ang curfew maging ang alert level system sa pampublikong transportasyon sa Metro Manila.
Sa bagong polisiya na alert level system, pinapayagan ang dine-in at al fresco services sa limitadong kapasidad sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 4 ngunit sa fully vaccinated individuals lamang.
“Well, natutuwa po kami dahil kahit 10% naman, it’s better than zero dahil kahit 10% pwede na po naming papasukin yung mga waiter, yung mga restaurant na walang delivery masyado at least pwede na munang mag-umpisa.” ani Resto PH President, Eric Teng.
Sa kabila nito, batid ng mga restaurant owner na nananatiling mataas ang banta ng COVID-19 transmission.
Tniyak naman ni Resto PH President Eric Teng na karamihan sa kanila ay bakunado na upang makapagsilbi ng mas ligtas para sa kapakanan ng kanilang mga customers.
“I want to assure the public, we at the Resto PH, we are responsible naman po sa safety protocols namin and we will police our ranks to be sure na wala pong mga irresponsible acts na gagawin ng mga restaurant owners.” ani Resto PH President, Eric Teng.
Samantala, nilinaw naman ng Department of Tourism na bagaman pinapayagan ang leisure travel sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 4, limitado lang ito sa mga indibidwal na 18 to 65 years old.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: curfew hours, NCR