Pinaigting na kampanya kontra korupsyon sa LTFRB, sinisimulan na

by Radyo La Verdad | August 25, 2016 (Thursday) | 1270

taxi
Suspendido na epektibo kahapon ang operasyon ng mga resealing station ng taxi meters dahil sa umano’y kaso ng katiwalian.

Ito ay kasunod ng mga natanggap na ulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na nasusuhulan umano ang ilang inspection staff upang mapabilis ang proseso sa pare-reseal ng mga metro ng taxi.

Ang naturang kautusan ay isa lamang sa mga hakbang na ipinanatupad ng LTFRB upang masawata ang laganap na korupsyon sa loob ng ahensya.

Ayon sa ilang mga taxi driver at operator, isang magandang hakbang itong suspension sa resealing ng mga metro ng taxi, na talaga naman anilang isa sa mga pinagmumulan ng matinding katiwalian sa LTFRB.

Bukod sa temporary suspension, inumpisahan na rin kanina ng ahensya ang pagpapaskil ng larawan ng mga fixer, na iligal nagpapasok ng mga transaksyon sa LTFRB.

Kinilala ang isa sa mga ito na si Jebra Pascual na napag-alamang nag-aayos ng mga dokumento kapalit ng lagay o kaukulang halaga ng pera.

Sinomang may impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Pascual ay mangyari lamang na makipag-ugnayan sa tanggapan ni LTFRB Chairman Martin Delgra, sa cellphone number 0920-931-9478.

Inaalam pa rin sa ngayon kung may iba pang mga kasabwat si Pascual sa mga kawani ng ahensya.

Sa ngayon ay may iba pang mga hinihinalang fixer ang patuloy na iniimbestigahan ng LTFRB at nakatakda ring ipaskil ang mga pagkakakilanlan sa paligid ng kanilang tanggapan sa mga susunod na araw.

Layon ng naturang hakbang na bigyang babala ang publiko upang iwasang makipagtransaksyon sa mga hindi autorisadong tao.

Ang implementasyon ng pinaigting na kampanya ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mawakasan ang talamak na korupsyon sa LTFRB.

(Joan Nano/UNTV Radio)

Tags: ,