Pilot test ng DSWD mobile app na magpapabilis ng pamamahagi ng SAP cash aid, isasagawa sa Metro Manila

by Radyo La Verdad | May 18, 2020 (Monday) | 8448

METRO MANILA – Naipamahagi na ang 96.6 billion pesos sa 100 billion pesos na pondo ng first tranche ng Social Amelioration Program ng pamahalaan sa mga benepisyaryo nito.

Base sa huling tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong May 15, mahigit 17.1 million na pamilya na ang nakatanggap ng naturang ayuda. Ibig sabihin, sa labingwalong milyong pamilya sa bansa na target ng DSWD na maabutan ng cash aid ay nasa 900,000 na pamilya na lang ang hindi pa naaabutan ng ayuda.

Pinapayuhan ng DSWD ang mga hindi nakatanggap ng ayuda sa first tranche ng SAP na makipag-ugnayan sa kanilang local Social Welfare Development Officer upang maipahatid ang iba pang tulong na ipinamamahagi ng ahensya.

“Patuloy po ang pamamahagi natin ng assistance under the assistance to individuals in crisis situation at patuloy din naman po yong pamimigay natin ng resource augmentation sa mga local government units particular na po sa provisions ng mga family food packs upang matulungan natin sila na matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng kanila pong mga nasasakupan,” ani Dir. Irene Dumlao, Spokesperson, DSWD.

Para naman sa mga reklamo kaugnay sa distribyusyon ng SAP, maaaring tawagan ang DSWD sa pamamagitan ng 24-7 hotline number 16545 o kanilang mga mobile phone numbers o ‘di kaya’y mag-email sa sapgrievances@dswd.gov.ph.

Samantala, patuloy na nananawagan ang DSWD sa mga nakakuha ng SAP sa Metro Manila na magrehistro sa “Relief Agad Mobile App”. Layon nito na mas mapabilis ang validation ng mga benepisyaryo ng unang tranche ng SAP at upang mapadali din ang pamamahagi ng cash aid para sa second tranche ng SAP.

Pumunta lang sa website na www.reliefagad.ph upang magrehistro gamit ang inyong social amelioration card.

Kung wala namang mobile phone ay maaari pa ring magrehistro sa tulong ng mga kaukulang local official na magsasagawa ng manual entry ng impormasyon ng mga benepisyaryo sa system ng DSWD.

Isasagawa ang pilot test run para sa mga SAP beneficiary sa Metro Manila at mag-aanunsyo ang DSWD kung ipatutupad na rin ito sa ibang lugar.

(Asher Cadapan, Jr.)

Tags: , ,