Pilot face-to-face classes, simula na sa susunod na linggo; mga paaralang kalahok, pupusan ang paghahanda

by Radyo La Verdad | November 8, 2021 (Monday) | 1581

METRO MANILA – Tuloy-tuloy ang ginagawang pag-iinspeksyon ng Department of Education at Department of Health sa 100 mga paaralan lalahok sa limited face-to-face classes na magsisimula sa November 15.

Kamakailan nagtungo ang DepEd sa Tamulaya Elementary School sa Quezon Province upang tingnan ang kahandaan ng eskwelahan para sa in-person learning.

Siniguro ng kagawaran na masusunod ang mga itinakdang safety protocols, tulad ng social distancing, at pagkakaroon ng sanitation station para sa mga mag-aaral.

Tiniyak rin ng DepEd na may nakahandang contingency plan ang mga paaralan sakaling magkaroon man ng kaso ng COVID-19 habang isinasagawa ng face-to-face classes.

“Handang handa na tayo kung ano ang resulta nitong ating pilot study pwede nating i-extend ito at lalong paramihin natin ang mga eskwelahan na magkaroon ng face-to-face classes” ani DepEd Sec. Leonor Briones.

Bukod sa paghahanda sa pasilidad ng mga paaralan, patuloy rin ang pagsasagawa ng orientation sa mga magulang na nais isama ang kanilang anak sa physical classes.

34 na public schools mula sa Luzon, 21 sa Visayas at 44 sa Mindanao ang napiling makakasama sa in-person learning.

Sa Biyernes, November 12, nakatakda na ring ilabas ng DepEd ang listahan ng 20 private schools na lalahok sa physical classes.

“Sa ngayon hindi pa pinal yung desisyon kung sinu-sino yung 20 pribadong paaralan ang lalahok dito sa ating face-to-face pero sa ngayon po meron tayong limamput-pito 57 private schools that have been submitted already for evaluation” ani DepEd Asec. Malcom Garma.

Tiniyak ng kagawaran na bakunado na ang lahat ng mga guro at school personnel na makakasama sa physical classes.

At kahit pa uumpisahan na ang face-to-face classes sa ilang mga paaralan, tuloy pa rin ang ibang learning modalities gaya ng DepEd tv at modules.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,