METRO MANILA – Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng muling sumailalim sa pinakamahigpit na Coronavirus restrictions o lockdown ang Pilipinas kung makakapasok at kakalat sa bansa ang pinangangambahang bagong strain ng Coronavirus na kumakalat sa England.
Sinabing mas nakahahawa ito kaysa sa umiiral na strain ngayon ng Coronavirus.
Ginawa ng punong ehekutibo ang pahayag sa ipinatawag nitong special meeting sa Inter-Agency Task Force kontra Covid-19 at health experts sa Malacañang noong Sabado ng gabi.
“We will treat the new strain as if we are treating the Covid — the way we treated the Covid. and if it is toxic, virulent, as the doktora says, we will respond accordingly and it might be something like a lockdown if things get worse.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, dedepende pa rin ang desisyon ng pamahalaan sa tindi ng contamination o bilang ng infections kaugnay ng bagong variant ng Coronavirus.
Nais naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na magkaroon ng threshold kung sakaling kinakailangang muling magpatupad ng lockdown.
Samantala, inaprubahan naman ng Pangulo ang rekomendasyong palawigin ng 2 Linggo ang suspension ng lahat ng flights galing United Kingdom. December 31 sana matatapos ang temporary suspension.
“I’m telling you there is no way of knowing how this thing would evolve. it is evolving itong new strain but how far, how fast is the progression, wala pa tayong alam. so the best way is really to play safe. you put a stop sa travel nila. that is a good.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod dito, hihigpitan din ang mandatory 14-day quarantine sa lahat ng mga biyaherong manggagaling sa mga bansang may kumpirmadong kaso na ng bagong Coronavirus strain tulad ng Hong Kong, Singapore at Australia.
Kung magkakaroon sila ng community transmission ng bagong variant, magpapatupad din ng travel restrictions laban sa mga bansang ito ang Pilipinas.
Lahat naman ng positive RT-PCR specimens ng mga UK travellers, ipapadala sa Philippine Genome Center, Research Institute for Tropical Medicine at University of the Philippines National Institutes of Health para sa genome sequencing.
Pinanukala din ng pangulo sa Department Of Health (DOH) at Department of Science and Technology (DOST) na bumuo ng grupong tututok sa bagong Coronavirus strain at mga bansa kung saan ito kumakalat.
(Rosalie Coz | UNTV News)