METRO MANILA – Mabagal at kakaunti pa rin ang bilang ng mga nagpapaturok ng COVID-19 booster dose sa bansa.
Sa latest data ng Department of Health (DOH), higit 73-M individual o 93.7% ng target population ang fully vaccinated.
Ngunit 19-M pa lang ang nakatanggap ng kanilang booster dose o katumbas ng 26%.
Kung mababa ang vaccination coverage, tumataas naman ang mobility o mas maraming bilang ng mga tao na lumalabas ngayong ber months.
Nagumpisa na rin ang face-to-face classes, kaya ayon kay Dr. Nina Gloriani Chairperson ng Vaccine Expert panel, posibleng maranasan natin ang breaktrough infections pagdating ng Disyembre
Ang breakthrough infections ay nararanasan ng 1 taong bakunado na ngunit nahawa pa rin ng COVID-19.
Karamihan sa mga ito ang may mild symptoms at mababa ang tsansa na maospital kumpara sa isang hindi bakunado.
Kaya panawagan ni Dr. Gloriani kailangan muli ang booster para muling mapataas ang antibodies at memory immune cells sa katawan.
Ayon naman sa Octa Research Team ang NCR ang nangunguna ngayon sa may pinakamaraming aktibong kaso. Sinundan ito ng mga probinsiya ng Cavite, Rizal, Bulacan, Laguna at Davao del Sur.
Ang 7 day positivity rate naman ng NCR as of October 3 ay 19%. mas mataas ito sa 18.7% positivity rate noong September 26.
Samantala hindi pa dapat magpatupad ng mandatory vaccination sa mga estudyante sa kabila ng naitalang mga mag-aaral sa face-to-face classes na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Gloriani dapat paigtingin ay ang pangghihikayat sa mga estudyante at magulang na magpabakuna na bilang proteksyon sa nakakahawang sakit.
(Lalaline Moreno | UNTV News)
Tags: Breakthrough Infection, Covid-19