Pilipinas, posibleng makapagtala ng 16,000 kaso ng Covid-19 kada araw sa Abril

by Erika Endraca | March 18, 2021 (Thursday) | 1836

METRO MANILA – Lumabas sa pinakabagong pag-aaral na UP-Octa Research na posibleng umakyat pa sa 6,000 kaso ng Covid-19 kada araw ang maitatala sa bansa sa pagsapit ng katapusan ng Marso.

At posible pa itong sumampa sa 16,000 na kaso kada araw sa ikalawang Linggo ng Abril.

Magtutuloy-tuloy anila ang paglobo ng mga bagong kaso, kung hindi pa rin maipatutupad ang mga tamang hakbang upang mapigil ang hawaan ng Covid-19.

Kung dati ay malaki na ang ibinaba ng kaso ng Covid-19 sa Metro Manila, ngayon halos dumodoble ang hawaan sa National Capital Region.

Batay sa resulta ng pinakabagong comparative study ng UP Octa Research, lumabas noong nakaraang buwan nasa 370 lamang kada araw ang naitatalang bagong kaso sa Metro Manila.

Subalit ngayong Marso, bigla itong pumalo sa 2, 226 cases.

Umakyat rin sa 1.96 ang average reproduction rate. Ibig sabihin sa kada isang pasyenteng may Covid pwede pa itong makahawa ng 2 pang tao.

Malaki rin ang itinaas ng porsyente ng occupancy rate ng mga hospital at ICU beds sa Metro Manila.

Bagaman welcome development para UP-Octa ang desisyon ng national task force na ipagbawal muna ang pagpasok ng mga foreigner at non-ofw sa Pilipinas sa loob ng 2 Linggo.

Iminumungkahi pa rin ng mga ito ang mas mahigipit na pagpapatupad ng restriction sa international travels, upang hindi na madagdagan o makapasok pa ang mga bagong variants ng Covid-19.

Sa kabila ng pagpapatupad ng curfew hours at ban sa mga menor de edad sa Metro Manila. Hindi pa masabi ng UP Octa kung direkta nga itong makakatulong para mapabagal ang pagdami ng kaso ng Covid-19.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,