METRO MANILA – Inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naipadala at natanggap na ng Estados Unidos sa pamamagitan ng Deputy Chief of Mission ng Embassy of the United States sa Pilipinas ang pinirmahan ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin na Notice of Termination ng Visiting Forces Agreement (VFA). Kinumpirma rin ito ng Malacañang.
“The president directed executive secretary salvador medialdea to tell secretary teddy boy locsin of the foreign affairs to send the notice of termination to the us government last night. And the executive secretary sent the message to secretary teddy boy locsin and the latter signed the notice of termination and then sent to the us government today.” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.
Ibig sabihin, 180 araw matapos na matanggap ang Notice of Termination, tuluyan nang mapapawalang bisa ang VFA, ang kasunduan ng Pilipinas at Estados Unidos na nagbibigay ng espesyal na karapatan at pribilehiyo sa mga Amerikanong sundalo at sibilyang empleyado ng US department of Defense na dumalaw sa Pilipinas. Ayon sa tagapagsalita ng Presidente, di na kailangan ng tugon ng Amerika hinggil dito.
“There is no response needed the effective date is 180 days from receipt of the US government.”ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.
Dagdag ng palasyo, panahon na upang ihinto ng Pilipinas ang pag-asa sa ibang bansa sa pagpapalakas ng kakayahang pang-depensa nito. Ito ay bagaman, may ibang bansa rin na nag-aalok ng katulad na kasunduan sa Pilipinas.
“We have to strengthen our own capability as a country relative to the defense of our land. Iyon ang pinaka ano ni Presidente, mahirap iyong we keep on relying, lalo tayong humihina.”ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.
Dagdag pa ng palasyo, wala nang magagawa ang Amerika para mabago ang desisyon ng Punong Ehekutibo hinggil sa VFA termination at di siya tatanggap ng anomang opisyal na imbitasyon para bumisita sa US.
Samantala sa isang pahayag, sinabi ng embahada ng Estados Unidos sa Pilipinas na isa itong seryosong hakbang na may signipikong implikasyon.
Magiging maingat umano ito sa pagkonsidera kung papaano ipagpapatuloy ang shared interests ng 2 bansa.
(Rosalie Coz | UNTV news)