Pilipinas, patuloy na nakikipagnegosasyon sa China upang mapalitan ang pangalan ng 5 seamounts sa Philippine Rise

by Radyo La Verdad | March 1, 2018 (Thursday) | 4085

Ang nangyaring iligal na pagpasok ng bansang China sa teritoryo ng Pilipinas partikular na noong 2004 ang nagbigay daan sa pagpangalan ng limang underwater sea features sa Philippine Rise.

Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala pang inihahaing protesta ang Philippine government laban sa China tungkol sa pagpangalan ng mga seamounts sa teritoryo ng bansa.

Bagama’t may rekomendasyon na mula sa National Mapping Resource Information Authority (NAMRIA) na i-rename o bigyan ng Pilipinong pangalan ang mga likas na yaman, mas pinili pa rin umano ng pamahalaan na maging diplomatiko at makipag-usap sa China. Kung nais sanang mabawi ang mga sea feature ay dapat noon pang bago ito madiskubre ng China.

Ayon kay  Foreign Undersecretary Abella, sumang-ayon naman daw ang China sa negosasyon at handang dumaan sa diplomatikong usapan hanggang sa maresolba ang isyu.

Ayon naman kay Sen. Bam Aquino, dapat ipaglaban ng administrasyon ang sovereign rights ng bansa at masuportahan ang mga Pilipinong siyentipiko sa pagsasagawa ng independent research sa teritoryo. Ito rin ang pananaw ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pakikipag-usap ng Pilipinas sa bansang China upang mabigyang linawang sa nangyaring iligal na pagpasok ng nasabing bansa sa Philippine Rise, ngunit ang malinaw na posisyon ng Pilipinas, bawal nang pumasok ang sinomang bansa sa loob ng teritoryo nang walang permiso.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,