Pangatlo ang Pilipinas sa sampung bansang may pinakamaraming mamamayang nagsasabing masaya sila habang top one naman ang Fiji at pangalawa ang Colombia.
Samantala, pang-siyam naman ang bansa sa 10 bansang pinaka-optimistic o may positibong pananaw para sa taong 2018 at pang-lima naman sa may mga bansang may higit na pag-asang magiging mas malago ang ekonomiya ngayong taon.
Batay ito sa opinion survey sa 55 bansa ng Gallup International, isang international polling at research organization.
Kinuha ang survey sa pamamagitan ng panayam sa higit 53 libong mga indibidwal sa buong mundo kung saan bawat bansa ay kinakatawan ng nasa isang libong mga lalaki at babae na tinanong sa pamamagitan ng internet o telepono mula October hanggang December 2017.
Ayon namay kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, determinado ang pamahalaan na isakatuparin ang pagkakaroon ng malagong ekonomiya, epektibong pamamahala at pagkakaroon ng pangmatagalang kapayapaan at hustisya sa bansa para mapanatili rin ang pagiging masaya ng mga mamamayan.
Pinapahalagan naman ng ilang Pilipino ang ginagawa ng pamahalaan sa kasalukuyan subalit anila, importante rin ang suporta at disiplina ng mga mamamayan upang maayos na maipatupad ang mga adhikain ng pamahalaan.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Gallup Int’l Organization, Pilipinas, pinakamasayang bansa