METRO MANILA – Higit sa 3 beses ang kabuuang medalya na hinakot ng Team Philippines ngayong 2019 South East Asian (SEA) Games kung ikukumpara sa nakaraang SEA Games.
Sa final medal tally , nanguna ang Pilipinas na nakakuha ng 149 golds,117 silver at 121 bronze medals o 387 na kabuang medalya.
Higit na marami ito sa nakuhang medalya ng Pilipinas sa 29th Sea Games na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia noong 2017 kung saan pang-6 na pwesto lamang ang Pilipinas na mayroong 24 golds 33 silver at 64 bronze o kabuuang 121 medals.
Nahigitan rin ng Philippine Contingent ngayong taon ang record ng bansa noong 2005 kung saan nakakuha tayo ng 113 golds, 84 silvers at 94 bronze sa 23rd SEA Games.
Sakauna unahang pagkakataon sa SEA Games, nakuha naman ng Pilippines Womens Basketball ang gold medal matapos payukurin ang Thailand sa score na 91-71.
Nakapagtala rin ng kasaysayan ang Philippine Mens Volleyball Team matapos makuha ang silver medal. Huli itong nakamit ng Pilipinas sa SEA Games apatnapu’t 2 taon na ang nakaraan.
Pinakamaraming hinakot na gintong medalya ang mga pambato ng Pilipinas sa arnis na may 14 gold medals, sunod ang athletics na mayroong 11 golds at dance sports na may 10 golds.
Record breaking naman ang naitala ng pole vaulter na si Natalie Uy na nagwagi ng gold medal matapos malagpasan ang 4.5 meter bar. Gayundin si Kristina Knott na naitala ang bagong record sa 200 meter dash na 23.01 seconds.
Nakapagtala rin ng record ang pinoy pole vaulter na si EJ Obiena matapos malagpasan ang 5.45 meter bar. Nagsilbi namang inspirasyon ang 15-anyos na ovarian cancer survivor na si Daniela Dela Pisa na nagwagi ng gintong medalya sa rhythmic gymnastics hoops category.
At ang Pinoy surfer na si Roger Casugay na mas piniling iligtas ang isang Indonesian surfer na naanod ng malakas naalon kaysa magwagi ng medalya.
(Bernard Dadis | UNTV News)
Tags: 2019 Sea Games hosting