Pilipinas, opisyal nang kasapi ng RCEP agreement matapos paburan ng mayorya ng senado

by Radyo La Verdad | February 22, 2023 (Wednesday) | 650

Opisyal nang kasapi ang Pilipinas sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) — ang sinasabing pinakamalaking free-trade agreement sa buong mundo. Ito’y matapos sang-ayunan ng dalawampung senador ang pag-ratipika sa kasunduan.

Nakasaad sa saligang batas na dapat sang-ayunan ng two-thirds o katumbas ng labing anim na senador ang anumang treaty na papasukin ng gobyerno bago ito maging balido at epektibo.

Bumoto namang hindi pabor si senate deputy minority leader Risa Hontiveros.

Aniya hindi siya kumbinsido lalo na’t mahigit isang daang grupo umano mula sa iba’t ibang sektor gaya ng mga magsasaka at mga mangingisda ang nagpahayag ng pagtutol sa tuluyang pagsali ng bansa sa RCEP.

Una ng sinabi ng National Economic and Development Authority na matutulungan ng mega trade deal ang mga magsasaka na magiging competitive at produktibo. Ang RCEP ay free trade agreement sa pagitan ng 10 bansa na kasapi sa Association of Southeast Asian Nations ASEAN at limang FTA partners kagaya ng Australia, China, Japan, New Zealand at Republic of Korea

Tags: