Pilipinas, napanatili ang GSP Plus Status sa ilalim ng European Union

by Radyo La Verdad | January 22, 2018 (Monday) | 7380

Isa sa mga good news na iniulat ng Malakanyang nitong weekend ang pananatili ng Pilipinas sa General Scheme of Preferences o GSP Plus sa ilalim ng European Union o EU.

Ginagamit ng EU ang GSP Plus bilang trade policy sa mga beneficiary countries nito upang ipatupad ang international core conventions kabilang na ang labor rights, human rights, good governance at environmental concerns.

Sa kategoryang GSP Plus ng Pilipinas, nananatiling walang buwis na binabayaran ang bansa sa mga export nito sa EU. Sa ulat na isinumite ng European Commission, positibo at progresibo ang mga programa ng pamahalaan sa usapin ng paggawa, paglaban sa korupsyon at environmental concerns.

Subalit grave concern naman para sa EU ang paraan umano ng pagsasagawa ng anti-drug campaign ng pamahalaan at ang bilang ng drug-related killings.

Seryosong usapin din para sa EU ang umano’y extrajudicial killings, posibleng pagpasa ng panukalang death penalty, at pagbaba sa age of criminal responsibility sa Pilipinas.

Samantala, dagdag pa ni Roque, tumaas din ng 31 porsyento ang Philippine Export sa European Union.

Ibig sabihin, nagkakahalaga ng 8.4 billion dollars ang total merchandise exports ng Pilipinas sa EU, dahilan upang maging pangatlo ito sa pinakamalaking trading partner ng bansa.

karamihan sa mga produktong inaangkat ng EU mula sa Pilipinas ay mga pagkain at produktong pang-agrikultura tulad ng animal products, isda, mga prutas gayundin ang leather, textile at footwear.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,