Pilipinas, nangangailangan ng surveillance capability para sa verification ng umano’y missile deployment ng China sa WPS

by Radyo La Verdad | May 8, 2018 (Tuesday) | 3330

First hand information ang gusto ng Philippine Government para kumpirmahin ang napaulat na umano’y missile deployment ng China sa West Philippine o South China Sea.

Matatandaang galing sa U.S. intelligence ang ulat na umanoý ipinusisyon ng China ang anti-ship cruise missiles at air to air missile system nito sa Fiery Cross Reef, Subi Reef at Mischief Reef.

Batay umano sa pakikipag-usap ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque kay National Security Adviser Hermogenes Esperon, parating na ang biniling teknolohiya ng Pilipinas subalit hindi nito dinetalye kung saan manggagaling o kung magkano ito.

Samantala, bagama’t aminadong nakakabahala ang ulat ng umano’y militarization ng China sa South China Sea, hindi pa rin ito itinuturing ng pamahalaan na pagsira sa pangako ng China na hindi na magtatayo ng bagong artificial islands o magsasagawa ng bagong reclamations.

Ginagawa rin aniya ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang i-address ang isyu sa China.

Noong Biyernes, isinisi ni Pangulong Duterte sa administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino at sa Estados Unidos ang pagtindi ng reklamasyon ng China sa disputed territories.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,